Showing posts with label tabon. Show all posts
Showing posts with label tabon. Show all posts

Friday, October 18, 2013

Ang Banga ng Manunggul / Manunggul Jar

Sa mito ng mga Griyego, ang kaluluwa ng mga namatay ay sumasakay ng bangka ni Charon sa Ilog ng Styx patungo sa lugar ng mga patay. Maaari kayang mayroon ren kahawig na paniniwala ang mga sinaunang tao sa Pilipinas? O pede kayang ang katauhan ni Charon ay hango sa mga sinaunang paniniwala na nanggaling sa Timog Silangang Asya?


Si Charon sa kisame ng Simbahan ng Sistine

Ang Banga ng Manunggul ay pinaniniwalaang nagmula sa taong 890- 710 BC. Mayroon itong dalawang pigura sa tuktok ng takip, ang isa ang nagsasagwan ng bangka at ang nasa harap ay tila bangkay na nakatiklop sa dibdib ang mga kamay. Sinasabing ang bangka na ito ay naghahatid ng namatay na kaluluwa patungo sa huli nitong hantungan.

Ang Banga ng Manunggul

Ang dalawang pigura sa takip ng banga

Nahanap ito sa yungib ng Manunggul, isang pook libingan noong panahon ng Neolitiko. Kasama ang Manunggul sa importanteng grupo ng mga yungib ng Tabon sa Lipuun Point, Palawan. Pinaniniwalaang ginagamit ang banga para sa secondary burial, kung saan inilalagay sa loob ang buto ng namatay, ngunit hindi na ibinabaon ang banga. Gawa ang banga sa luwad at buhangin, at mayroon itong disenyo sa takip na hawig sa mga alon ng dagat. Kasamang nadiskubre ang bangkay ng Tabon Man malapit sa Banga ng Manunggul.

Tunay na walang katulad ang disenyo at hubog ng Banga ng Manunggul, at itinuturing na mahusay ang naghubog nito. Pinapatunayan nito na mayroong paniniwala sa susunod na buhay, o buhay pagkatapos ng pagkamatay, ang mga unang tao sa Pilipinas.

---
Mga Larawan:

[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:CarontediMichelagelo.jpg
[2] http://xiaochua.files.wordpress.com/2012/10/09-work-of-master-potter.jpg?w=500
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjlup94ZF0FRSsO-b6iw6pwyh7ZNJDCvJfA1aydWLa_JcR0haY3_QxcfS2kiArrjid4FKesxrFsi8asv2WW-jYGaGOmJseTylThZlExW9-G9fkCi0Mze66fBuVwNhmwjBBg20Oo7hFZ4Y8/s1600/11+May+kasamang+abay.jpg