Showing posts with label burial jars. Show all posts
Showing posts with label burial jars. Show all posts

Sunday, October 20, 2013

Salangsang Urn Burials

Ano nga ba ang mararamdaman mo kung sa inyong lugar ay may mga yungib na naglalaman ng mga lalagyang apog? At sa loob ng mga lalagyang ito ay buto ng mga tao? Hindi ka ren ba matatakot?

Marahil ito ang nararamdaman ng mga Manobo na nakatira sa Barrio Salangsang, malapit sa may talampas ng Kulaman, sa mga baybayin ng Lebak, Timog Cotabato. Sa mga yungib ng Salangsang nakatago ang mga batong lalagyan na ginamit bilang secondary burial (o lagayan ng mga buto ng namatay) noong 585 AD. Hindi pinapakailaman ng mga Manobo ang mga batong lalagyan, ni hindi sila pumapasok sa lugar, pagkat para sa kanila ito ay banal at sagradong lugar na di maaaring pasukin nino man.

Mga batong lalagyan ng Salangsang

Kakaiba ang mga lalagyang ito sa mga nahanap sa ibang lugar sa bansa, pagkat madalas ay gawa sa terakota ang mga banga na pinaglalagyan ng buto. Mayroon ren mga disenyo sa mga batong lalagyan, may porma na tila ari ng lalaki sa takip ang iba, at may porma namang tila suso at ari ng babae ang iba. May mga nakaukit na mukha ren sa mga ito. Ang isa sa mga lalagyan ay may dalawang ulo na magkalikod, at iniisip na maaaring ito ay naging lalagyan para sa kambal.

Batong lalagyan ng lalaki

Iba-iba ren ang hugis ng mga lalagyang ito. Ang iba ay kwadrado habang ang iba naman ay silindro. Sinasabing mas luma ang mga kwadradong lalagyan habang mas bago naman ang mga silindro.




---
Mga larawan:

[1] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/collections/thumbnails/archaeological-burial-jar.jpg
[2] http://www.museumsyndicate.com/images/6/55035.jpg
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj3aGq_I6Mv7bbbsAD3Qlp5Ju3r8Cx2KK7vAwKRcRfc2LA_33P1TGT6tcs-O6lwmxmiqOSl8IShhlXMXchfLArCLCEnIyTuKdbyjPdq4RYO5TsAwfxB9pE_Em94LjN4LymhWFomLmG506w/s400/USC+Burial+Jars+2.jpg

Saturday, October 19, 2013

Mga Banga ng Maitum

Kapag namatayan, naging kagawian na na maglagay ng lapida bilang pananda ng ipinag-libingan. Madalas ay mayroong dedikasyon sa lapida galing sa mga namatayan, nakikita sa maiikling dedikasyon ang ilang aspeto ng buhay ng namatay. Sa ilang mas mahal na lapida, mayroon ren imahe ng taong lumipas na nakau-ukit sa bato o marmol. Sa ganito ay nagiging "personalized" ang lapida.

Kahit ang ating mga ninuno ay mayroong kagawian na hawig sa paglalagay ng lapida. Sa yungib ng Ayub, sa Pinol, Maitum, Saranggani Province, ay nahanap ang mga banga na terakota na may disenyo na tila hawig sa parte ng tao.  Ito ay nanggaling sa Edad ng Metal, mula 5 BC - 225 AD.


Mga banga ng Maitum na hawig sa tao

Detalye ng mga mukha sa takip ng bunga


Ang ilan sa mga banga ay ginamitan ng pulang pintura sa mukha at itim sa buhok, at ang iba naman ay mga butas sa tuktok ng ulo. Iniisip na maaaring nilagyan ng mga damo ang mga butas na ito para magrepresenta sa buhok.




Natatangi ang mga mukha sa bawat banga ng Maitum, walang magkakamukha at iba-iba ang expresyon sa kanilang mga mukha - mayroong tila masaya, seryoso, malungkot, matanda, bata at kung ano-ano pa. 




Ang ilan naman ay mga mga hikaw, habang ang iba ay may mga ngipin. Para sa katawan, mayroong ibang may kamay, paa, at pusod. Pinapakita ren ang ari ng lalake o babae, depende sa kasarian ng namatay.

Tunay na kahanga-hanga ang mga bangang ito na nahanap sa Maguindanao. Ang paglilibing at paglalagay ng buto sa mga terakota na banga ay laganap sa buong Timog-Silangang Asia, ngunit sa Pilipinas lamang nakadiskubre ng mga banga na katulad ng sa Maitum. 



---
Mga larawan:

[1] http://i71.photobucket.com/albums/i150/jbersales/MaitumCotabatoanthropomorphicjars.jpg
[2] Sariling kuha.
[3] Sariling kuha.
[4] Sariling kuha.

Friday, October 18, 2013

Ang Banga ng Manunggul / Manunggul Jar

Sa mito ng mga Griyego, ang kaluluwa ng mga namatay ay sumasakay ng bangka ni Charon sa Ilog ng Styx patungo sa lugar ng mga patay. Maaari kayang mayroon ren kahawig na paniniwala ang mga sinaunang tao sa Pilipinas? O pede kayang ang katauhan ni Charon ay hango sa mga sinaunang paniniwala na nanggaling sa Timog Silangang Asya?


Si Charon sa kisame ng Simbahan ng Sistine

Ang Banga ng Manunggul ay pinaniniwalaang nagmula sa taong 890- 710 BC. Mayroon itong dalawang pigura sa tuktok ng takip, ang isa ang nagsasagwan ng bangka at ang nasa harap ay tila bangkay na nakatiklop sa dibdib ang mga kamay. Sinasabing ang bangka na ito ay naghahatid ng namatay na kaluluwa patungo sa huli nitong hantungan.

Ang Banga ng Manunggul

Ang dalawang pigura sa takip ng banga

Nahanap ito sa yungib ng Manunggul, isang pook libingan noong panahon ng Neolitiko. Kasama ang Manunggul sa importanteng grupo ng mga yungib ng Tabon sa Lipuun Point, Palawan. Pinaniniwalaang ginagamit ang banga para sa secondary burial, kung saan inilalagay sa loob ang buto ng namatay, ngunit hindi na ibinabaon ang banga. Gawa ang banga sa luwad at buhangin, at mayroon itong disenyo sa takip na hawig sa mga alon ng dagat. Kasamang nadiskubre ang bangkay ng Tabon Man malapit sa Banga ng Manunggul.

Tunay na walang katulad ang disenyo at hubog ng Banga ng Manunggul, at itinuturing na mahusay ang naghubog nito. Pinapatunayan nito na mayroong paniniwala sa susunod na buhay, o buhay pagkatapos ng pagkamatay, ang mga unang tao sa Pilipinas.

---
Mga Larawan:

[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:CarontediMichelagelo.jpg
[2] http://xiaochua.files.wordpress.com/2012/10/09-work-of-master-potter.jpg?w=500
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjlup94ZF0FRSsO-b6iw6pwyh7ZNJDCvJfA1aydWLa_JcR0haY3_QxcfS2kiArrjid4FKesxrFsi8asv2WW-jYGaGOmJseTylThZlExW9-G9fkCi0Mze66fBuVwNhmwjBBg20Oo7hFZ4Y8/s1600/11+May+kasamang+abay.jpg