Saturday, October 19, 2013

Ginto

Marahil nakarinig ka na ng mga kwento tungkol sa mga gintong nakabaon sa Pilipinas. Nandiyan ang kwento ng Yamashita, o di kaya ng Golden Buddha. Ngunit bakit kaya napakarami ng kwento tungkol sa nakabaong ginto? Ito lamang ba ay mga di-kapani-paniwalang mga panaginip ng mga taong nag-aasam na makahanap ng kayamanan at daan sa mas masaganang buhay? O mayroon kayang basehan ito sa ating kasaysayan?

Ginto na alahas ng mga Tagalog, mula sa Boxer Codex.


Walang kasintulad ang kasaysayan ng ginto sa ating bansa. Sinasabing ikinagulat ng mga Kastila dami ng gintong alahas at kung gaano tila pangkaraniwan lamang itong parte ng kasuotan ng mga tao. Sinulat ng Italyanong si Pigafetta na kakailanganin mo lamang hawiin ng kakaunti ang lupa upang makahanap ng mga ginto kasinlaki ng wolnat. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit pinagka-interesan ng mga mananakop ang ating bansa.

Ngunit napansin ng mga Kastila na hindi gahaman ang mga katutubo sa ginto. Kinukuha lamang nila ang kailangan nila, at mas ninanais na hayaan na lamang sa ilalim ng lupa ang ibang ginto upang hindi ito manakaw. Sa katunayan, ang pagkamkam ng mga Kastila sa mga kayamanan ng mga katutubo ay nagtulak sa kanila na tigilan ang pagmina ng ginto.

Tandaan ang tatlong "G" na motto ng mga mananakop: Gold, God, & Glory


Napakahusay ng pag-gamit ng ating mga ninuno sa ginto, at hindi maisip kung papaano nabuo ang mga alahas na nahukay mula sa mga excavation sites. Pinapakita na mayroong malalim na kaalaman ang mga katutubo sa pag-gamit ng ginto. Pinapatuyan ren nito na mayroong mataas na antas ng sibilisasyon ang mga grupo ng tao sa Pilipinas bago pa man dumating ang mananakop.

Isa marahil sa pinakamaganda at malaking alahas na gawa sa ginto na nahanap sa Pilipinas ay ang "Sacred Thread." Ito ay gawa sa purong ginto na mataas ang kalidad, at mayroong bigat na 4 kilos. Sinasabing pareho ito sa ginagamit sa India para sa mga seremonya.

Ang "Sacred Thread"

Detalye ng "Sacred Thread"

Isa pang kahanga-hangang gintong bagay na gawa ng ating mga ninuno ay ang "Kinnari." Ito ay isang mitolohikal na karakter na kalahating-babae at kalahating-ibon. Hango ito sa mitolohiya ng mga Hindu, ngunit ang pagkagawa at pagrepresenta sa karakter ay walang katulad sa India man, sa Java, o sa iba pang bansa. Ito lamang ang nahanap na representasyon ng Kinnari na three-dimensional, tila iskultura na may haba, taas, at lapad.


Detalye ng maamong mukha ng Kinnari

Kinnari, 10th - 13th century


Tunay ngang kahanga-hanga ang mga gintong alahas at bagay na binuo ng ating mga ninuno.

Ngunit bakit nga ba sa lahat ng ginto at iba pang natural na yaman ng Pilipinas ay nananatiling naghihirap ang malaking porsyento ng populasyon na ito? Nasaan ang yaman na dapat ay minana mula sa ating mga ninuno? Bakit hindi natin nadadanas ang yaman ng bansa? Sa mga kasagutang ito, maaaring makakuha ng mga sagot mula sa kasaysayan.



---
Mga larawan:
[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Naturales_4.png
[2] http://goldratefortoday.org/wp-content/uploads/2011/03/spanish-conquest-of-america1.jpg
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgCCgQNsvJqKPnojCDdzs9Fbptiwe68FCl36ENDGUE30I4Cf-9Wf10sPVdEgro0KeOaTAty8vf6YutMDX_oM7I0SfCydi4xyg5nOtg2WGrs9L2hqwcHvgMfPZNmdI4kuZ6_V6bqcME0Ev8/s400/WM-IMG_2303-5.jpg
[4] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/about/press-media/gold-image_non-exhibitions.jpg
[5] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/exhibitions/feature/gold.png
[6] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/exhibitions/gold/kinnari.png



No comments:

Post a Comment