Ayon kay William Henry Scott, historyador ng kasaysayan ng Pilipinas at eksperto sa 16th century na Pilipinas, halos walang ebidensya at hindi kapani-paniwala ang metodolohiya na ginamit ni Beyer. Ngayon ay halos wala nang antropologo na naniniwala sa Beyer Wave Migration Theory.
Si William Henry Scott ay isang historyador na malaki ang nai-ambag sa kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago ito naging kolonya ng mga kanluraning bansa.
Kung ganoon, ano ang pinaniniwalaang teorya na umaayon sa mga nahanap na ebidensya?
Sinasabing may dalawang alon ng pagdayo ng tao sa Timog Silangang Asia at Pasipiko na maaaring magpaliwanag sa kasalukuyang populasyon sa mga nasabing lugar. Ang una ay ang mga Australoid, ang ninuno ng mga kasalukuyang Negrito. Nakarating sila 5,000 - 6,000 taon na ang nakakalipas. Sila ay kilala sa pagkakaroon ng maitim na balat. Pinaniniwalaang ang ninuno ng mga Negrito ay nanggaling sa mga unang tao lumabas mula Aprika.
Ang mga Negrito ngayon
Ang pangalawang alon ng pagdayo ay ang mga Southern Mongoloid, o mga Austronesian. Sila ay sinasabing may kayumangging balat. Ang mga Austronesian ay nanatili sa malaking bahagi ng Timog-Silangang Asia at Pasipiko, kabilang na ang Malaysia, Taiwan, East Timor, Pilipinas, Indonesia, Brunei, Madagascar, Micronesia, Polynesia, New Zealand, at Hawaii. Ang wika ng mga grupong Austronesia sa mga bansang ito ay bahagi ng Austronesian language family, na ang ibig sabihin ay mayroong iisang lumang wika na pinanggalingan silang lahat.
Ang Austronesian language family ay matatagpuan sa mga bansang kulay rosas
Mayroong dalawang teorya sa kung paano nakarating ang mga Austronesians sa iba't-ibang bahagi ng Timog Silangang Asya. Ang unang teorya ay ang Out of Taiwan model, kung saan magmula sa Taiwan ay nagkaroon ng malakihang pagdayo sa ibang bansa dala ng pagtaas ng populasyon (5000-2500 BC). Maaaring unang nakarating ang Austronesian sa hilagang bahagi ng Pilipinas at pagkatapos ay dumayo sila pababa ng bansa, hanggang ang ilan ay naglayag papuntang Borneo at Indonesia sa timog, at sa Micronesia at Melanesia naman sa silangan.
Katutubong Atayal galing Taiwan na may tattoo sa mukha. Importante ang papel ng tattoo sa buhay at kultura ng mga Austronesiano
Ang pangalawang teorya ay ang Out of Sundaland model, kung saan sinasabing nagmula ang mga Austronesian sa isang landmass sa Asya na tinatawag na Sundaland. Ngunit noong mahigit kumulang 15,000 hanggang 7,000 years ago, matapos ng huling Panahon ng Yelo (Ice Age), ay nagkaroon ng malakihang pagdayo sa ibang parte ng Timog Silangang Asya dahil sa paglubog ng ilang bahagi ng Sundaland.
Sa kaliwa makikita ang sinasabing Sundaland na lumubog dahil sa huling Ice Age.
Sa kasalukuyan, parehong mayroon pang mga butas ang dalawang nasabing modelo sa pagdayo ng mga Austronesiano. Ito ay nanatiling mga teorya pa lamang na nangangailangan pa ng mas matibay na mga ebidensya. Maaaring sa mga sumusunod na taon o dekada ay mayroon mga ebidensya na makakapagpatunay sa Out of Taiwan model, o sa Sundaland model, o maaaring magbunga pa ng iba pang teorya.
---
Mga larawan:
[1] http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/8/8c/ScottWiki.jpg/220px-ScottWiki.jpg
[2] http://abagond.files.wordpress.com/2009/09/lgaetawomen.jpg?w=500
[3] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Human_Language_Families_(wikicolors).png
[4] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Atayal.jpg
[5] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhIBOZ85MT0BxAzLkuGRecBa0Lu-jX1zj9Z6i6j8wsmzylxGJlAsRgvGMfAyoE9xg-JsmkZ55aklwt9xE38CuIFVJIgayhPX8f1H6xvPPPIwYSAyaiYy88FraQTZzMkjJLz74dRGhqbdQeF/s1600/Sundaland+2.jpg