Sunday, October 20, 2013

Ang mga Negrito at Austronesian

Marahil naituro dati ng iyong guro sa kasaysayan ang Beyer Wave Migration Theory ni H. Otley Beyer, kung saan tatlong malalaking grupo ng tao ang dumating sa Pilipinas. Ayon kay Beyer, ang nauna ay ang Negrito, tapos ang Indones, at pinakahuli ay ang mga Malay na siya umanong bumubuo sa malaking parte ng populasyon sa Pilipinas. Ngunit alam mo ba na ang teoryang ito ay matagal nang napatunayan na hindi totoo?

Ayon kay William Henry Scott, historyador ng kasaysayan ng Pilipinas at eksperto sa 16th century na Pilipinas, halos walang ebidensya at hindi kapani-paniwala ang metodolohiya na ginamit ni Beyer. Ngayon ay halos wala nang antropologo na naniniwala sa Beyer Wave Migration Theory.

Si William Henry Scott ay isang historyador na malaki ang nai-ambag sa kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago ito naging kolonya ng mga kanluraning bansa.


Kung ganoon, ano ang pinaniniwalaang teorya na umaayon sa mga nahanap na ebidensya?

Sinasabing may dalawang alon ng pagdayo ng tao sa Timog Silangang Asia at Pasipiko na maaaring magpaliwanag sa kasalukuyang populasyon sa mga nasabing lugar. Ang una ay ang mga Australoid, ang ninuno ng mga kasalukuyang Negrito. Nakarating sila 5,000 - 6,000 taon na ang nakakalipas. Sila ay kilala sa pagkakaroon ng maitim na balat. Pinaniniwalaang ang ninuno ng mga Negrito ay nanggaling sa mga unang tao lumabas mula Aprika.

Ang mga Negrito ngayon

Ang pangalawang alon ng pagdayo ay ang mga Southern Mongoloid, o mga Austronesian. Sila ay sinasabing may kayumangging balat. Ang mga Austronesian ay nanatili sa malaking bahagi ng Timog-Silangang Asia at Pasipiko, kabilang na ang Malaysia, Taiwan, East Timor, Pilipinas, Indonesia, Brunei, Madagascar, Micronesia, Polynesia, New Zealand, at Hawaii. Ang wika ng mga grupong Austronesia sa mga bansang ito ay bahagi ng Austronesian language family, na ang ibig sabihin ay mayroong iisang lumang wika na pinanggalingan silang lahat.

Ang Austronesian language family ay matatagpuan sa mga bansang kulay rosas


Mayroong dalawang teorya sa kung paano nakarating ang mga Austronesians sa iba't-ibang bahagi ng Timog Silangang Asya. Ang unang teorya ay ang Out of Taiwan model, kung saan magmula sa Taiwan ay nagkaroon ng malakihang pagdayo sa ibang bansa dala ng pagtaas ng populasyon (5000-2500 BC). Maaaring unang nakarating ang Austronesian sa hilagang bahagi ng Pilipinas at pagkatapos ay dumayo sila pababa ng bansa, hanggang ang ilan ay naglayag papuntang Borneo at Indonesia sa timog, at sa Micronesia at Melanesia naman sa silangan.

Katutubong Atayal galing Taiwan na may tattoo sa mukha. Importante ang papel ng tattoo sa buhay at kultura ng mga Austronesiano

Ang pangalawang teorya ay ang Out of Sundaland model, kung saan sinasabing nagmula ang mga Austronesian sa isang landmass sa Asya na tinatawag na Sundaland. Ngunit noong mahigit kumulang 15,000 hanggang 7,000 years ago, matapos ng huling Panahon ng Yelo (Ice Age), ay nagkaroon ng malakihang pagdayo sa ibang parte ng Timog Silangang Asya dahil sa paglubog ng ilang bahagi ng Sundaland.

Sa kaliwa makikita ang sinasabing Sundaland na lumubog dahil sa huling Ice Age.

Sa kasalukuyan, parehong mayroon pang mga butas ang dalawang nasabing modelo sa pagdayo ng mga Austronesiano. Ito ay nanatiling mga teorya pa lamang na nangangailangan pa ng mas matibay na mga ebidensya. Maaaring sa mga sumusunod na taon o dekada ay mayroon mga ebidensya na makakapagpatunay sa Out of Taiwan model, o sa Sundaland model, o maaaring magbunga pa ng iba pang teorya.


---
Mga larawan:

[1] http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/8/8c/ScottWiki.jpg/220px-ScottWiki.jpg
[2] http://abagond.files.wordpress.com/2009/09/lgaetawomen.jpg?w=500
[3] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Human_Language_Families_(wikicolors).png
[4] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Atayal.jpg
[5] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhIBOZ85MT0BxAzLkuGRecBa0Lu-jX1zj9Z6i6j8wsmzylxGJlAsRgvGMfAyoE9xg-JsmkZ55aklwt9xE38CuIFVJIgayhPX8f1H6xvPPPIwYSAyaiYy88FraQTZzMkjJLz74dRGhqbdQeF/s1600/Sundaland+2.jpg

Salangsang Urn Burials

Ano nga ba ang mararamdaman mo kung sa inyong lugar ay may mga yungib na naglalaman ng mga lalagyang apog? At sa loob ng mga lalagyang ito ay buto ng mga tao? Hindi ka ren ba matatakot?

Marahil ito ang nararamdaman ng mga Manobo na nakatira sa Barrio Salangsang, malapit sa may talampas ng Kulaman, sa mga baybayin ng Lebak, Timog Cotabato. Sa mga yungib ng Salangsang nakatago ang mga batong lalagyan na ginamit bilang secondary burial (o lagayan ng mga buto ng namatay) noong 585 AD. Hindi pinapakailaman ng mga Manobo ang mga batong lalagyan, ni hindi sila pumapasok sa lugar, pagkat para sa kanila ito ay banal at sagradong lugar na di maaaring pasukin nino man.

Mga batong lalagyan ng Salangsang

Kakaiba ang mga lalagyang ito sa mga nahanap sa ibang lugar sa bansa, pagkat madalas ay gawa sa terakota ang mga banga na pinaglalagyan ng buto. Mayroon ren mga disenyo sa mga batong lalagyan, may porma na tila ari ng lalaki sa takip ang iba, at may porma namang tila suso at ari ng babae ang iba. May mga nakaukit na mukha ren sa mga ito. Ang isa sa mga lalagyan ay may dalawang ulo na magkalikod, at iniisip na maaaring ito ay naging lalagyan para sa kambal.

Batong lalagyan ng lalaki

Iba-iba ren ang hugis ng mga lalagyang ito. Ang iba ay kwadrado habang ang iba naman ay silindro. Sinasabing mas luma ang mga kwadradong lalagyan habang mas bago naman ang mga silindro.




---
Mga larawan:

[1] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/collections/thumbnails/archaeological-burial-jar.jpg
[2] http://www.museumsyndicate.com/images/6/55035.jpg
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj3aGq_I6Mv7bbbsAD3Qlp5Ju3r8Cx2KK7vAwKRcRfc2LA_33P1TGT6tcs-O6lwmxmiqOSl8IShhlXMXchfLArCLCEnIyTuKdbyjPdq4RYO5TsAwfxB9pE_Em94LjN4LymhWFomLmG506w/s400/USC+Burial+Jars+2.jpg

Saturday, October 19, 2013

Baybayin

Kapag nagsusulat tayo sa Filipino, Bisaya, Kapampangan, o anu pa mang dialekto o lengwahe na ginagamit sa Pilipinas, ang ginagamit nating mga titik ay hango sa kanluran (English alphabet). Ngunit ano ang mga titik na ginamit bago pa man dumating ang impluwensiya ng mga kanlurang bansa?

Ang baybayin ay isa sa kakaunting systema ng pagsusulat na tumubo mula sa Timog Silangang Asia, ang iba ay galing sa Sumatra, Java, at Sulawesi. Katulad ng mga sistema ng pagsusulat sa mga bansang ito, abugida ren ang baybayin, na ang ibig sabihin ay kahit ano mang katinig ay awtomatikong sinusundan ng patinig na "a." Gumagamit ng mga marka, o kudlit, para masundan ang katinig ng iba pang patinig. 

Kapag ang kudlit ang nasa taas, ang kasunod na patinig ay "i". Kapag ang kudlit ay nasa baba, ang kasunod na patinig ay "u".

Baybayin

Sinasabing ang mga systema ng pagsusulat sa malaking bahagi ng Timog Silangang Asya ay hango sa Sanskrit na mula sa India.

Halimbawa ng lumang Sanskrit


Sinasabing inuukit sa tahol ng bamboo ang baybayin, at madalas ay mga maiikling sulat at paalala ang mga kasulatang inilalagay.

Nang dumating ang mga mananakop ay ikinagulat nila na may kakayahang magsulat at magbasa ang mga katutubo. Sa ngayon, wala pang malinaw na ebidensya sa kung gaano kalaking porsyento ng populasyon noon ang kayang makapagsulat at makapagbasa. Ngunit ginamit paren ng mga Kastila ang baybayin sa kanilang mga libro upang maintindihan ng mga katutubo. Ang Doctrina Christiana en lengua Espanola y Tagala (The Christian Doctrine in Spanish and Tagalog), ang unang librong inilimbag sa bansa, ay nakasulat sa Espanyol at sa Baybayin.

Doctrina Christiana



---
Mga larawan:
[1] http://www.creativeroots.org/wp-content/uploads/2010/02/baybayin_typography.jpg
[2] http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/3/3f/Devimahatmya_Sanskrit_MS_Nepal_11c.jpg
[3] http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/7/7c/DoctrinaChristianaEspanolaYTagala8-9.jpg

Lingling-o

Pumunta ka lamang sa kahit saang mall ay maaari ka nang makabili ng iba't-ibang klaseng alahas. Ang mga ito ay iba-iba ren ang disenyo, ang kulay, at ang materyales na ginamit. Mayroong gawa sa mamahaling bato o metal, at meron namang plastic lamang. Madali na lamang para sa atin ang bumili nito kailanman natin gustuhin.

Iba't ibang alahas ang matatagpuan ngayon sa merkado

Ngunit para sa ating mga ninuno, kinailangang sila mismo ang gumawa ng mga hikaw, alahas, at pulseras nila. Ang lingling-o ang itinawag sa isang tipo ng mga alahas na gawa sa batong-lungtian noong Maagang Edad ng Metal. Ang ilan sa mga ito ay mga hikaw na hugis singsing at may nakausli sa ilang bahagi na hugis supang.



Ang imahe sa taas ay nagpapakita ng mga lingling-o, ang nasa pinaka-kaliwa ay nagmula sa Vietnam, habang ang dalawa sa kanan ay galing sa Pilipinas. Ngunit ayon sa mga eksperto, iisang lugar sa Taiwan ang pinanggalingan ng batong-lungtian na materyales nito. Pinapakita lamang nito na nagkaroon ng kalakalan sa iba't-ibang lugar sa Timog Silangang Asya.

Gumamit ren ng ibang materyales (tulad ng bato) ang mga sinaunang tao sa Pilipinas. Pinaghihinalaan na ang mga lingling-o na gawa sa batong-lungtian ay para sa mga mas nakakataas noong mga panahon na iyon.

Hanggang ngayon ay makakahanap ng mga alahas na hawig sa lingling-o sa mga grupo ng Ifugao o Igorot. Ngunit ang sa kanila ay gawa sa tanso o bakal.



---
Mga larawan:

[1] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiWaGRROYIA-i7Mq5cLh56_lQFc18n54evCcLLQTvzgA3zX3q6bbWUSvzYJ8UZFO2JbVK3wVZI7m3ABv1HphL3WwkPKmdcDk2Q7SjfWgpMwUk5zOrTNajKdFdEvxEn_JxJvf9bseKgbA9hl/s1600-h/PC050030.JPG
[2] http://news.softpedia.com/newsImage/5-000-Years-Old-Jade-Earrings-Betray-Long-Route-Seafaring-2.jpg/
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh_21O7j55amrnIc9ljAut2emKE__TFpdcXXhBUVs1Cn9MLjgzbCB9iH53AV_8ReilFB6j6EgpME4wiBBtEbhTbP-TmH2swba1tPBTCJnpwO86uzKQt-GRzFfLgG9IaKjT8tg_SZiOr16M/s400/DSCN0168_small.JPG.jpeg


Ginto

Marahil nakarinig ka na ng mga kwento tungkol sa mga gintong nakabaon sa Pilipinas. Nandiyan ang kwento ng Yamashita, o di kaya ng Golden Buddha. Ngunit bakit kaya napakarami ng kwento tungkol sa nakabaong ginto? Ito lamang ba ay mga di-kapani-paniwalang mga panaginip ng mga taong nag-aasam na makahanap ng kayamanan at daan sa mas masaganang buhay? O mayroon kayang basehan ito sa ating kasaysayan?

Ginto na alahas ng mga Tagalog, mula sa Boxer Codex.


Walang kasintulad ang kasaysayan ng ginto sa ating bansa. Sinasabing ikinagulat ng mga Kastila dami ng gintong alahas at kung gaano tila pangkaraniwan lamang itong parte ng kasuotan ng mga tao. Sinulat ng Italyanong si Pigafetta na kakailanganin mo lamang hawiin ng kakaunti ang lupa upang makahanap ng mga ginto kasinlaki ng wolnat. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit pinagka-interesan ng mga mananakop ang ating bansa.

Ngunit napansin ng mga Kastila na hindi gahaman ang mga katutubo sa ginto. Kinukuha lamang nila ang kailangan nila, at mas ninanais na hayaan na lamang sa ilalim ng lupa ang ibang ginto upang hindi ito manakaw. Sa katunayan, ang pagkamkam ng mga Kastila sa mga kayamanan ng mga katutubo ay nagtulak sa kanila na tigilan ang pagmina ng ginto.

Tandaan ang tatlong "G" na motto ng mga mananakop: Gold, God, & Glory


Napakahusay ng pag-gamit ng ating mga ninuno sa ginto, at hindi maisip kung papaano nabuo ang mga alahas na nahukay mula sa mga excavation sites. Pinapakita na mayroong malalim na kaalaman ang mga katutubo sa pag-gamit ng ginto. Pinapatuyan ren nito na mayroong mataas na antas ng sibilisasyon ang mga grupo ng tao sa Pilipinas bago pa man dumating ang mananakop.

Isa marahil sa pinakamaganda at malaking alahas na gawa sa ginto na nahanap sa Pilipinas ay ang "Sacred Thread." Ito ay gawa sa purong ginto na mataas ang kalidad, at mayroong bigat na 4 kilos. Sinasabing pareho ito sa ginagamit sa India para sa mga seremonya.

Ang "Sacred Thread"

Detalye ng "Sacred Thread"

Isa pang kahanga-hangang gintong bagay na gawa ng ating mga ninuno ay ang "Kinnari." Ito ay isang mitolohikal na karakter na kalahating-babae at kalahating-ibon. Hango ito sa mitolohiya ng mga Hindu, ngunit ang pagkagawa at pagrepresenta sa karakter ay walang katulad sa India man, sa Java, o sa iba pang bansa. Ito lamang ang nahanap na representasyon ng Kinnari na three-dimensional, tila iskultura na may haba, taas, at lapad.


Detalye ng maamong mukha ng Kinnari

Kinnari, 10th - 13th century


Tunay ngang kahanga-hanga ang mga gintong alahas at bagay na binuo ng ating mga ninuno.

Ngunit bakit nga ba sa lahat ng ginto at iba pang natural na yaman ng Pilipinas ay nananatiling naghihirap ang malaking porsyento ng populasyon na ito? Nasaan ang yaman na dapat ay minana mula sa ating mga ninuno? Bakit hindi natin nadadanas ang yaman ng bansa? Sa mga kasagutang ito, maaaring makakuha ng mga sagot mula sa kasaysayan.



---
Mga larawan:
[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Naturales_4.png
[2] http://goldratefortoday.org/wp-content/uploads/2011/03/spanish-conquest-of-america1.jpg
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgCCgQNsvJqKPnojCDdzs9Fbptiwe68FCl36ENDGUE30I4Cf-9Wf10sPVdEgro0KeOaTAty8vf6YutMDX_oM7I0SfCydi4xyg5nOtg2WGrs9L2hqwcHvgMfPZNmdI4kuZ6_V6bqcME0Ev8/s400/WM-IMG_2303-5.jpg
[4] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/about/press-media/gold-image_non-exhibitions.jpg
[5] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/exhibitions/feature/gold.png
[6] http://www.ayalamuseum.org/images/ayalamain/exhibitions/gold/kinnari.png



Ijang

Madaming iba't-ibang kastilyo na itinayo ang mga sinaunang tao. Andyan ang mga higanteng istruktura ng mga Mayan at Aztec, mga pyramid ng Ehipto, o ang mga kastilyo ng mga hari at duke noong panahon ng pyudalismo sa Europa. Ngunit alam nyo ba na mayroon reng mala-kastilyo na gawa sa bato ang ating mga ninuno sa Pilipinas? Ito ang mga ijang sa Batanes.

Guhit ng artist ng posibleng itsura ng ijang noon

Ang mga ijang ay maliit na prehistoric monuments na gawa sa bato at mala-kastilyo ang istruktura. Ito ay may kapareho ang itsura sa mga gusuku, o mga batong kastilyo sa Okinawa, Japan.

Gusuku, Okinawa, Japan

Savidug Ijang, Sabtang Islang, Batanes

Malinaw na tinirhan ang mga ijang at ginamit bilang kuta mula sa mga atake, ngunit hindi pa malinaw kung sino ang mga tumira dito at sino ang mga posibleng kaaway nila. Katulad ng mga gusuku, pinili ng mga gumawa ng ijang ang lokasyon at topograpiya ng pagtatayuan nito. Ginamit ang natural na taas at stratehikong lokasyon ng napiling lugar.

Isa pang interesanteng bagay na nahanap sa mga ijang ay mga bato na may butas. Ang mga batong ito ay tinawag na "micro-megalithic" na mga istruktura dahil mayroon reng nahanap na kapareho nito sa Indonesia, Malaysia, at Taiwan.

Mga batong may butas

Hindi parin alam kung para saan ba talaga ang mga batong ito. Ilan sa mga teorya ay 1) maaring ginamit sila pambuo ng mga bahay sa idjang, o 2) sila ay may pang-politikal, pang-sosyal, o pang-relihiyon na papel sa sinaunang lipunan.



---
Mga larawan:

[1] http://i1218.photobucket.com/albums/dd413/liquiddruid/Prespanish/Artist-Sketch-Idjang-300x200.jpg
[2] http://www.panoramio.com/photo/816167
[3] http://lh6.ggpht.com/marne.kilates/RlWH2Zy3d_I/AAAAAAAAAfk/Q4VcsyFVuLg/s576/Idjang.jpg
[4] http://i1218.photobucket.com/albums/dd413/liquiddruid/Prespanish/IMG_2253.jpg

Mga Banga ng Maitum

Kapag namatayan, naging kagawian na na maglagay ng lapida bilang pananda ng ipinag-libingan. Madalas ay mayroong dedikasyon sa lapida galing sa mga namatayan, nakikita sa maiikling dedikasyon ang ilang aspeto ng buhay ng namatay. Sa ilang mas mahal na lapida, mayroon ren imahe ng taong lumipas na nakau-ukit sa bato o marmol. Sa ganito ay nagiging "personalized" ang lapida.

Kahit ang ating mga ninuno ay mayroong kagawian na hawig sa paglalagay ng lapida. Sa yungib ng Ayub, sa Pinol, Maitum, Saranggani Province, ay nahanap ang mga banga na terakota na may disenyo na tila hawig sa parte ng tao.  Ito ay nanggaling sa Edad ng Metal, mula 5 BC - 225 AD.


Mga banga ng Maitum na hawig sa tao

Detalye ng mga mukha sa takip ng bunga


Ang ilan sa mga banga ay ginamitan ng pulang pintura sa mukha at itim sa buhok, at ang iba naman ay mga butas sa tuktok ng ulo. Iniisip na maaaring nilagyan ng mga damo ang mga butas na ito para magrepresenta sa buhok.




Natatangi ang mga mukha sa bawat banga ng Maitum, walang magkakamukha at iba-iba ang expresyon sa kanilang mga mukha - mayroong tila masaya, seryoso, malungkot, matanda, bata at kung ano-ano pa. 




Ang ilan naman ay mga mga hikaw, habang ang iba ay may mga ngipin. Para sa katawan, mayroong ibang may kamay, paa, at pusod. Pinapakita ren ang ari ng lalake o babae, depende sa kasarian ng namatay.

Tunay na kahanga-hanga ang mga bangang ito na nahanap sa Maguindanao. Ang paglilibing at paglalagay ng buto sa mga terakota na banga ay laganap sa buong Timog-Silangang Asia, ngunit sa Pilipinas lamang nakadiskubre ng mga banga na katulad ng sa Maitum. 



---
Mga larawan:

[1] http://i71.photobucket.com/albums/i150/jbersales/MaitumCotabatoanthropomorphicjars.jpg
[2] Sariling kuha.
[3] Sariling kuha.
[4] Sariling kuha.

Friday, October 18, 2013

Ang Banga ng Manunggul / Manunggul Jar

Sa mito ng mga Griyego, ang kaluluwa ng mga namatay ay sumasakay ng bangka ni Charon sa Ilog ng Styx patungo sa lugar ng mga patay. Maaari kayang mayroon ren kahawig na paniniwala ang mga sinaunang tao sa Pilipinas? O pede kayang ang katauhan ni Charon ay hango sa mga sinaunang paniniwala na nanggaling sa Timog Silangang Asya?


Si Charon sa kisame ng Simbahan ng Sistine

Ang Banga ng Manunggul ay pinaniniwalaang nagmula sa taong 890- 710 BC. Mayroon itong dalawang pigura sa tuktok ng takip, ang isa ang nagsasagwan ng bangka at ang nasa harap ay tila bangkay na nakatiklop sa dibdib ang mga kamay. Sinasabing ang bangka na ito ay naghahatid ng namatay na kaluluwa patungo sa huli nitong hantungan.

Ang Banga ng Manunggul

Ang dalawang pigura sa takip ng banga

Nahanap ito sa yungib ng Manunggul, isang pook libingan noong panahon ng Neolitiko. Kasama ang Manunggul sa importanteng grupo ng mga yungib ng Tabon sa Lipuun Point, Palawan. Pinaniniwalaang ginagamit ang banga para sa secondary burial, kung saan inilalagay sa loob ang buto ng namatay, ngunit hindi na ibinabaon ang banga. Gawa ang banga sa luwad at buhangin, at mayroon itong disenyo sa takip na hawig sa mga alon ng dagat. Kasamang nadiskubre ang bangkay ng Tabon Man malapit sa Banga ng Manunggul.

Tunay na walang katulad ang disenyo at hubog ng Banga ng Manunggul, at itinuturing na mahusay ang naghubog nito. Pinapatunayan nito na mayroong paniniwala sa susunod na buhay, o buhay pagkatapos ng pagkamatay, ang mga unang tao sa Pilipinas.

---
Mga Larawan:

[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:CarontediMichelagelo.jpg
[2] http://xiaochua.files.wordpress.com/2012/10/09-work-of-master-potter.jpg?w=500
[3] https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjlup94ZF0FRSsO-b6iw6pwyh7ZNJDCvJfA1aydWLa_JcR0haY3_QxcfS2kiArrjid4FKesxrFsi8asv2WW-jYGaGOmJseTylThZlExW9-G9fkCi0Mze66fBuVwNhmwjBBg20Oo7hFZ4Y8/s1600/11+May+kasamang+abay.jpg



Nga-nga o Buyo

Sikat na sikat ngayon ang pagkakaroon ng maputing mga ngipin. Sandamakmak na komersyal ang nasa TV na nagbebenta ng mga toothpaste na nagpapa-puti ng ngipin at nagpapa-bango ng hininga. Ang pagkakaroon ng maputing ngipin ang naging bagong batayan ng kagandahan.

Sa kasamaang palad, ang bagong batayan na ito, kasama naren ang pag-import ng mga sigarilyo mula sa ibang Kanluraning bansa, ay pumapatay sa isang tradisyon na nagbuklod sa iba't-ibang mga grupo sa Pilipinas, mula Luzon hanggang Mindanao. Ang tradisyong ito ay nagresulta ren sa libo-libong mapula (imbes na maputi) na mga ngipin at pagdudura sa pampublikong lugar.

Ang mapulang ngipin ng isang taga-Cordillera


Ito ang nga-nga. Ang tradisyon ng nga-nga o buyo ay matagal nang tradisyon ng mga grupo sa Pilipinas, bago pa man dumating ang mga Kastila, at nagpatuloy ito noong panahon ng kanilang pananakop.

Ang mga sangkap ng pag-nga-nga ay ang mga sumusunod: mani ng areka (bunga), dahon ng betel (ikmo), at apog. Pumuputol ng maliit na parte ng dahon at ipinapahid ang apog dito. Inilalagay ang hiniwang mani sa dahon na may apog, at pagkatapos ay tinitklop ang dahon at nginunguya.

Ang tatlong sangkap sa paggawa ng nga-nga

Binabalot ang apog at mani ng areka sa dahon.


Isang mahalagang parte ng buhay noon ang nga-nga. Ito ay simbolo ng mabuting pakikitungo sa kapwa: ang may ari ng isang bahay ay dapat laging nag-aalok ng nga-nga sa kanyang mga bisita. Ginagamit ren ito sa panliligaw, ang pag-tanggap o pag-tanggi sa inalok na nginuyang nga-nga ay nangangahulugan ren ng pag-tanggap o pag-tanggi sa panliligaw ng isang manunuyo.

Maging sa mga ritwal, nag-aalok ng mani, dahon, at apog ang mga katutubo sa mga diyos at espiritu, sa paniniwalang ang nga-nga ay paborito ng mga diyos. Madami ren mga kwentong oral na pinasa mula sa ating mga ninuno kung saan kasama ang nga-nga.

Ang kahalagahan ng nga-nga ay makikita sa mga lalagyang ginawa para rito. Ang ibang lalagyan ay para madala ang mga mani, dahon, at apog kahit naglalakbay, habang ay iba naman ay lalagyan para sa bahay. Mayroon reng mga instrumentong ginagamit para hiwain ang mani.


Lalagyan galing Maranao. Itinatali ito sa paligid ng baywang.


Kalukate, o pang-hiwa ng mani ng areca.

Caticut. Ginagamit para haluan ng tobako ang apog.

Lalagyan ng nga-nga ng mga Tausug.



Sa pagdating ng mga Amerikano, ipinagbawal ang dumura sa mga lansangan. Kaya naman tuluyang naglaho ang tradisyon ng nga-nga.



----
Mga Larawan:

[1] http://static.flickr.com/112/259404709_2bd45869b7.jpg
[2] https://lh4.googleusercontent.com/-OPi-QWOiAPs/UIcvbNFkCyI/AAAAAAAAEUo/IARmmpH-BXk/s600/nganga-everydaysweetnotes5.jpg
[3] https://lh3.googleusercontent.com/-ELAnpa1J8U0/UIcval8hDYI/AAAAAAAAEUY/C-eCccY7s0E/s600/nganga-everydaysweetnotes6.jpg
[4] http://www.lasieexotique.com/mag_betel/mag_betel-18.jpg
[5] http://www.lasieexotique.com/mag_betel/mag_betel-16.jpg
[6] http://www.lasieexotique.com/mag_betel/mag_betel-19.jpg
[7] http://www.lasieexotique.com/mag_betel/mag_betel-21.jpg

Boxer Codex

Kapag nag-iisip tayo ng mga lumang kasuotan, madalas ang sumasagi sa ating isipan ay ang barong para sa mga lalaki, at ang baro't saya para sa mga babae. Ito ren ang madalas suot sa mga pelikula at palabas na nagpapakita sa mga Pilipino noong panahon ng Kastila. 

Ngunit ano nga ba ang kasuotan ng ating mga ninuno bago ang pananakop?

Ang Boxer Codex ay manuskrito na isinulat noong 1595 at naglalaman ng mga obserbasyon tungkol sa buhay at kultura ng mga grupong nakatira sa Pilipinas noong panahon na iyon. Napakaimportanteng dokumento ng Boxer Codex dahil naglalaman ito ng mga larawang-guhit ng kasuotan ng mga grupo sa Pilipinas bago pa man naging malawak ang impluwensya at pananakop ng mga Kastila.

Tagalog royalty. Pansinin ang tingkad ng pulang kasuotan at ang mga gintong alahas.

Visayan royalty

Mga alipin

Mandirigma na kabilang sa uring timawa at ang kanyang asawa 

Payak na kasuotan ng mga karaniwang tao

Ang mga Negritos

Mga mandirigmang Zambal


Pinaniniwalaan na ang Boxer Codex ay ipinagawa ni Luis Perez das Marinas, anak ng isang Gobernador-Heneral sa Pilipinas na pinatay ng mga Sangley (mga Tsinong nakatira sa Pilipinas). Si Luis ang pumalit sa kanyang ama at maaaring pinagawa ang Boxer Codex dahil kelangan niyang magreport tungkol sa mga kolonya ng Espanya.

Ang codex ay ipina-ngalan kay Propesor Charles R. Boxer na syang nakabili nito mula sa isang auction at nakadiskubre sa kahalagahan nito.


---
Mga Larawan:

[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Naturales_4.png
[2] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Visayans_3.png
[3] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Naturales_1.png
[4] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Native1.jpg
[5] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Naturales_2.png
[6] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Negritos.png
[7] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Zambals_1.png

Kasulatan sa Tanso ng Laguna / Laguna Copperplate Inscription

Tayo ay binibigyan ng resibo kapag bumibili tayo ng mga bagay at kagamitan. Ito ang patunay na tayo ay nakapagbayad ng presyo ng binili, o serbisyo, o di kaya ng pagkakautang. Ang resibo ay isa sa mga importanteng kasulatan na nagpapatunay na mayroong kalakalan na nagaganap sa isang lipunan. Dati pa man ay mayron nang mga kasulatan, na parang resibo, na ginagamit ang ating mga ninuno.

Ang Kasulatan sa Tanso ng Laguna o Laguna Copperplate Inscription ang pinakalumang kasulatan na nahanap sa Pilipinas. Ito ay nadiskubre ng isang manggagawa noong 1989 malapit sa bunganga ng Ilog ng Lumbang sa Laguna. Ito ay may sukat na 8 x 12 inches, at ang mga titik ay pinukpok diretso sa tanso. Ito ay kaiba sa mga kasulatan sa tanso na nahanap sa Indonesia, dahil doon ay pinapainit at pinalalambot muna ang tanso.

Ang Kasulatan sa Tanso ng Laguna


Ang mga titik at salita ay unang naintindihan at nasalin ng isang Dutch antropologo na nag-ngangalang Anton Postma. Ang mga titik ay hango sa Kawi script, at ang wika ay halong Lumang Sanskrit, Lumang Malay, at Lumang Javanese o Lumang Tagalog.

Sinasabi sa kasulatan na ito ay isinulat noong taon ng Siyaka 822, buwan ng Waisaka, na pumapatak sa Lunes, 21 Abril 900 CE sa kalendaryong Gregoryo.

Nakasaad sa kasulatan na simula nang araw na iyon, si Dayang (Binibini) Angkatan at ang kanyang kamag-anak na si Bukah, na parehong mga anak ng Kagalang-galang na si Namwaran, ay pinatawad ng Punong Pangkalahatan ng Tundun (na ngayon ay Tondo) mula sa kanilang mga pagkaka-utang.

Ang kanilang utang ay 1 kati at 8 suwarma (856 grams ng ginto). Ang kasulatan ay para sa kahit sino mang magsasabi na may utang pa ang mga ito.


Sagana sa ginto ang Pilipinas. Nang dumating ang mga mananakop, ikinagulat nila ang dami ng gintong alahas ng mga nakatira dito.


Inurong ng Kasulatan sa Tanso ng Laguna ang panahon ng pre-history (panahon na wala pang ebidensya ng kasulatan) ng Pilipinas. Pinapakita ren nito na mayroong ugnayan ang ating mga ninuno sa mga Kaharian ng India, Medang Kingdom ng Java, at Srivijaya Empire sa Indonesia.


---
Mga larawan:

[1] http://traveleronfoot.files.wordpress.com/2011/12/laguna-copperplate.jpg?w=470&h=351
[2] http://www.remate.ph/wp-content/uploads/2012/04/ginto.jpg


Thursday, October 17, 2013

Ang Tattoo

Sa panahon ngayon, madaming masamang implikasyon ang pagkakaroon ng tatoo. Nandiyan ang paghihinalaan kang kriminal o di kaya ay miyembro ng gang. Hindi ren tinitignan na maganda sa kababaihan ang tattoo.

Ngunit para sa ating mga ninuno, ang tattoo o batuk ay importanteng mga simbolo ng kagitingan at kagandahan.

Guhit ng mga Pintados sa Boxer Codex


Noong unang pagdating ng mga Kastila, tinawag nila ang mga Visayan na "Pintados" -- na ang ibig sabihin ay "the painted ones". Ito ay dahil puno ng tattoo, mula ulo hanggang paa, ang mga ito. Ang tattoo ay ibinibigay lamang sa mga kalalakihang nagpakita ng tapang sa laban at bilang inisasyon sa pagkalalaki. Hindi madalang na naghuhubo ang mga kalalakihan at ipinagmamalaki ang kanilang mga tattoo, na tila ba ito na ang nagsilbing kadamitan.

Masakit ang proseso ng mano-manong pagta-tattoo. Isang mambabatuk o tattoo artist ang nagsasagawa ng proseso. Sa una ay ginuguhit sa balat ang disenyo gamit ang tintang gawa sa uling. Pagkatapos ay tinutusok ang balat kung saan dapat magkaroon ng linya gamit ang instrumentong may mga tinik. Pinupukpok ang intstrumento upang tumagos sa balat, tapos ay lalagyan muli ng tinta.


Imahe ng pagtatattoo ni Whang-od, ang natitirang mambabatuk sa Kalinga


Sa Cordillera naman, maaari lamang magkaroon ng tattoo ang mga kalalakihan kapag sila ay nakapatay at nakapugot ng ulo ng kalaban sa giyera. Mas madami ang tattoo, mas madami ang napatay. Maging ang mga kababaihan ay puno ng tattoo ang katawan, pagka't tinitignan na maganda ang babaeng may tattoo, habang pangit naman ang wala.


Isang mandirigmang galing Bontoc


---
Mga larawan:

[1] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Visayans_1.png
[2] http://journeyingjames.com/wp-content/uploads/2013/01/Kalinga-Whang-od-Tattooing.jpg
[3] http://misterroadtripper.files.wordpress.com/2010/07/whang-od-working-on-lane.jpg?w=300
[4] http://en.wikipedia.org/wiki/File:Bontoc.jpg